Pauleen Luna, tikom pa din ang bibig tungkol kay Vic Sotto

Tikom pa rin ang bibig ni Pauleen Luna patungkol sa napapabalitang relasyon niya kay Vic Sotto. Ayon kay Pauleen nananatili pa rin naman daw ang magandang relasyon nila ni Bossing Vic tulad ng dati. Simula nang maugnay ang actress at TV host sa komedyanteng si Vic Sotto ay hindi pa rin nito tahasang sinasagot o inaamin kung ano ang meron sila. Nasa mabuting estado naman daw ang puso ni Pauleen Luna ngayon pero hindi binanggit kung sino ang espesyal na taong nagpapasaya rito. Nang tinanong naman si Pauleen patungkol sa mga anak ni Vic na tutol sa kanilang relasyon, matapang niya itong sinagot na nirerespeto niya ang opinyon ng mga tao. Ayon pa kay Pauleen Luna, hanggang wala siyang inaapakan na tao at wala siyang sinasadyang saktan ay wala siyang magiging problema.

Unang pumutok ang balitang relasyon umano nina Pauleen at Vic sa isang pahayagan na nagkukumpirmang totoo nga ang napapabalitang nagkakamabutihan na ang co-hosts ng Eat Bulaga. Balitang pati ang mga magulang ni Pauleen Luna ay matyagang niligawan ni Vic Sotto. Lumabas pa ang isyu na kinausap ni Bossing ang ama ng dalaga at ipinaalam dito na malinis ang kaniyang intensyon sa dalagang host. Namataan din umano noon si Vic at Pauleen sa isang resort na magkasama pero hindi pa rin ito kinukumpirma ng dalawa kung totoo nga ang lumalabas na isyu.

Balitang malaki ang pagtutol ng mga anak ni Vic Sotto sa kaniyang relasyon sa dalagang si Pauleen Luna. Hindi maitatanggi na malaki ang agwat ng edad nina Vic at Pauleen. Ang dalaga ay 23-taong-gulang samantalang ang beteranong host na si Vic naman ay 57-taong-gulang na. Matatandaang pati sa Twitter ay nagpakita ang anak ni Vic Sotto na si Oyo Boy ng kaniyang pagkalungkot sa relasyon ng dalawa. Tingin daw ni Oyo ay ginagamit lang ng dalagang si Pauleen Luna ang ama nito. Dinepensahan naman ng ina ni Pauleen ang kaniyang anak at nilinaw na ang mga kumakalat na balitang binigyan ang dalaga ng bahay ay walang katotohanan dahil galing sa kinikita ng kaniyang anak ang ginastos sa bagong bahay.
