April 24th, 2012

Erich Gonzales, Mario Maurer magsasama sa pelikula

Kamakailan lang ay lumipad ang aktres na si Erich Gonzales patungong Thailand para sa pictorial ng upcoming movie kasama ang Thai superstar na si Mario Maurer. Ang pelikula ay may tentative title na Suddenly It’s Magic kung saan gaganap si Erich bilang ordinaryong Pilipina na makikilala ang isang artista galing sa Thailand na gagampanan naman ni Mario. Kuwento ni Mario Maurer, ang kaniyang karakter ay pumuntang Pilipinas at doon iikot ang istorya ng nasabing pelikula. Nakapili na rin ng major locations ang crew ng pelikula at ito ay sa Ilocos at Bangkok, Thailand. Ito na ang pangalawang beses na nagkita si Erich Gonzales at ang Thai actor kung kaya halata na komportable na sila sa isa’t-isa. Matatandaang nagkita na dito sa bansa si Mario Maurer at ang dalaga nang maging endorser ang aktor ng isang clothing brand ng bansa.

Natutuwa naman si Erich dahil naging mainit ang pagtanggap sa kaniya ni Mario sa Thailand. Aliw na aliw din daw si Mario Maurer sa pagiging bubbly ng dalagang si Erich Gonzales. Hindi raw katulad ng ibang babae si Erich dahil madalas umano itong magbiro at nakakapag-rap pa habang sinasabayan ng beat boxing. Gusto rin daw turuan ni Erich Gonzales si Mario Maurer na umakyat ng puno ng niyog kung kaya tuwang-tuwa ang binata sa pagsasama nila sa isang proyekto ng dalaga. Wala rin daw problema kay Mario kung i-date niya si Erich dahil masaya raw ito kasama at tila walang boring na sandali para sa kaniya.

Hindi kaila sa mga fans ni Mario Maurer na may nobya na ito dahil noong una siya bumisita sa bansa ay inamin niya naman na mayroon siyang karelasyon sa kanilang bansa. Kuwento pa ni Mario, suportado siya nito kahit pa itambal siya sa ibang babae dahil naiintindihan umano nito ang kaniyang trabaho. Natawa naman si Erich Gonzales nang pumayag si Mario Maurer na i-date siya dahil pati ang dalaga ay alam na may karelasyon ang aktor. Bilib na bilib naman ang aktres na si Erich Gonzales sa kaniyang bagong leading man na si Mario dahil kahit nasa showbiz ito ay napapanatili pa rin nitong matatag at maganda ang relasyon sa longtime girlfriend. Paliwanag naman ni Mario Maurer nandito siya sa industriya pala magtrabaho, maghanap ng kaibigan at magsaya sa mga mararansan niya.