April 27th, 2012

Dolphy, gagawing National Artist?

Mainit na usapin ngayon ang pagpili kay Dolphy bilang National Artist ng bansa. Lumutang ang pangalan ng Comedy King na si Dolphy dahil nararapat daw itong bigyan ng National Artist award dahil marami na umano itong naiambag sa industriya ng sining. Masaya naman si Dolphy dahil ikinukunsidera ang kaniyang pangalan sa nasabing parangal. Ayon pa kay Dolphy, nagpapasalamat siya sa mga taong sumasang-ayon at pinapahalagahan ang kaniyang mga nagawa sa industriya. Hindi naman itinanggi ni Dolphy na marami pa sa kaniyang mga kasamahang artista ang nararapat sa naturang award. Marami ang nag-aalala ngayon sa kalusugan ng komedyante dahil hindi pa malinaw kung ano na ang tunay na estado nito. Ayon pa sa mga tagahanga ni Dolphy, habang buhay pa ang Comedy King ay sana mabigyan na umano ito ng nararapat na pagkilala.

Masaya naman ang mga anak ni Dolphy kung sakaling ibigay sa kanilang ama ang National Artist award dahil ito ay isang malaking karangalan para sa kanilang pamilya. Hindi naman itinanggi ni Dolphy na gusto niya rin manalo ng National Artist award dahil ito na maaari ang pinakamataas na parangal na makukuha niya kapag binigyan ng pagkakataon. Kung mabibigay naman daw kay Dolphy ang National Artist award ay matutuwa siya para rito pero wala naman daw magiging problema kung hindi ito mapupunta sa kaniya.

Suportado rin si Dolphy ng kapwa artista na si Governor Vilma Santos. Para kay Vilma, sobra-sobra na raw ang naiambag ni Dolphy sa industriya kung kaya karapat-dapat siyang mabigyan ng National Artist award. Aniya, isang malaking karangalan umano kung mailuklok sa pinakamataas na parangal katulad ng National Artist award ang isang artista. Ngayong taon na ang simula ng nominasyon ng mga lehitimong artists organizations sa National Artist Secretariat ng CCP at NCCA. Matagal nang lumabas ang pangalan ni Dolphy bilang isa sa maaaring manalo o karapat-dapat ng naturang award pero kinakailangan muna isumite ang nominasyon niya sa National Artist Secretariat na ginawa ng National Artist Award Committee. Ang mga commissioners ng NCCA at Board of Trustees ng CCP ang magdedesisyon ng pinal na rekomendasyon ng karapatdapat sa National Artist award..