March 26th, 2012

Billy Crawford, nakipag-break kay Nikki Gil?

Sa press conference ng bagong pelikula ni Billy Crawford na Moron 5 and The Crying Lady ay naitanong ito patungkol sa break-up umano nila ng nobyang si Nikki Gil. Agad na pinasinungalingan ni Billy ang lumalabas na balitang break na sila ng nobya niya. Paglilinaw ni Billy Crawford, apat na taon na ang kanilang relasyon sa darating na August kung kaya imposibleng mag-break pa sila ni Nikki Gil. Dagdag ni Billy ay hindi rin totoo ang mga balitang live-in na sila ng nobya. Hindi rin maisip ni Billy na makipag-relasyon sa iba dahil ang dalagang si Nikki Gil daw ang nagpapaligaya sa kaniyang puso.

Nakita rin daw ni Billy Crawford ang tweet ni Nikki sa paglilinaw na hindi sila nagkahiwalay ng binata. Kasalukuyang abala si Nikki Gil sa kaniyang serye na Mundo Man Ay Magunaw kung saan isa siya sa mga bida. Sa palagay ni Billy ay pilit lang silang ginugulo ng mga tao dahil kilala ang kanilang relasyon bilang tahimik. Marahil daw ay gusto ng marami na paikot-ikutin ang puso nilang ni Nikki.

Hindi rin naman daw naaapektuhan si Billy Crawford at Nikki Gil dahil alam nila kung ano talaga ang totoong estado ng kanilang relasyon. Itinanggi rin ni Billy ang isyu na lihim na silang nagpakasal ni Nikki dahil wala naman daw siyang suot na wedding ring sa kaniyang mga daliri. Sinigurado naman ni Billy Crawford na kahit hindi pa sila kasal ni Nikki Gil ay ito na raw ang babaeng gusto niyang makasama habang buhay.

Ngayong April ay aalis si Billy papuntang Paris para ipagpatuloy ang kaniyang naudlot na international career doon. Hindi raw kasama ang nobya sa kaniyang pag-alis dahil busy ito sa kaniyang mga proyekto. Suportado rin ni Billy Crawford ang pagiging strikto at conservative ng dalagang si Nikki Gil. Maganda diumano ang pagpapalaki sa aktres at singer ng kaniyang mga magulang. Kinumpirma ni Billy na hindi basta-basta makakaalis si Nikki hangga’t wala itong kasama na agad namang nilinaw ng binata na wala siyang problema patungkol dito. Hindi katulad ng kaniyang nobya na si Nikki Gil na active sa Twitter ay hindi itinanggi ni Billy Crawford na maaaring makaapekto pa sa kaniya ang ibang mga maninira sa social networking site kung kaya mas gugustuhin niyang wag nalang magkaroon nito.